Select Page

“Ilang taon na akong nagtatrabaho pero bakit hanggang ngayon wala pa rin akong naiipon?”

Sumagi na ba sa isip mo ang katanungang iyan?

Marahil ay hindi ka makapag-ipon sapagkat hindi mo alam kung paano ito sisimulan. Naiintindihan kong mahirap humagilap ng extrang pera na maaaring ilagay sa savings lalo na kung ikaw ay nasa “Paycheck to Paycheck cycle.”

Narito ang ilang mga paraan kung paano ka makakapagsimulang mag-ipon:

 1. Isulat ang lahat ng iyong gastusin.

Isa sa pinaka-importanteng hakbang sa pag-iimpok ay ang malaman kung saan napupunta ang iyong kinikita. Pagkatanggap mo ng iyong sahod, ilista mo lahat ng iyong mga gastusin. Ito man ay para sa upa/utang, utility bills, groceries, pagkain sa mga restaurant, o panonood ng sine. Mahalagang malaman mo ang bawat sentimong iyong pinagkakagastusan. Kung gusto mong isulat ito sa papel, maaari mo itong gawin. Pwede ka ring gumamit ng excel sheet o isang budgeting software na maaari mong ilagay sa iyong cellphone.

Oras na malikom mo ang mga datos, kailangan mong i-categorize ang bawat items na pinagkagastusan mo (Halimbawa: Rent , Groceries, Utility Bills).

Tip:     Kung ikaw ay gagamit ng mga budgeting software, maaari kang makakuha ng ideya kung papaano mo i-cacategorize ang bawat gastusin.

Ano ang YNAB (You Need A Budget)?

2. Gumawa ng budget.

Ngayong meron ka nang ideya kung anu-ano ang mga pinagkakagastusan mo sa isang buwan, maaari ka nang gumawa ng badyet para ma-kontrol mo ang iyong paggastos. Huwag na huwag mong kakalimutang isali sa iyong badyet ang emergency savings fund. Ito ay isa sa pinakaimportanteng kategorya sa iyong badyet. Tandaan, kailangan mong isama rito ang mga gastusing regular (pero hindi buwan buwan) kagaya ng maintenance ng bahay o ng sasakyan.

3. Planuhin ang pag-iipon o pag- iimpok.

Para makapag-ipon buwan buwan, kailangan mong gumawa ng savings category sa iyong badyet. Subukang magtabi ng 10% hanggang 15% ng iyong kita. Kailangan ng matinding disiplina para masunod ito. Kung kinakailangan, pag-aralan ang iyong gastusin kung saan ka maaaring makapagbawas katulad ng pagkain sa mga restaurant o panonood ng sine.

Tip: Para makasigurong may mailalagay ka sa iyong savings category kada buwan, sundin ang sumusunod ng formula:

Income-Savings=Expenses

Sa ganitong paraan, naitabi mo na ang iyong savings bago mo bayaran ang ibang mga gastusin. Ito ay makakatulong para makapagsimula ka nang mag- impok. Kailangan mong isipin ang iyong kinabukasan.

4. Gumawa ng saving goals.

Alamin kung gaano katagal bago makamit ang bawat layunin. May mga short-term goals kung saan ito ay aabutin ng mga 12 hanggang 36 na buwan bago mo ito makamit at meron ding long-term goals kung saan aabutin ito ng mas mahabang panahon.

Halimbawa ng mga saving goals:

  • Emergency funds – Ang emergency funds ay 3 hanggang 6 na buwang gastusin na maaari mong gamitin kung sakaling ikaw ay mawalan ng trabaho. Pwede rin itong gamitin sa ibang klaseng emergency katulad ng medikal na pangangailangan.
  • Pagpondo sa edukasyon ng anak.
  • Pag-iipon ng pambayad ng inyong “dream house” o  kotse.

iyong gusto.

5. Alamin ang prayoridad sa buhay.

Bawat isa sa atin ay may kanya-kanyang prayoridad sa buhay. Kung ikaw ay may sariling pamilya, maaari na ang mga prayoridad mo ay ang iyong asawa’t mga anak. Kung ikaw naman ay single, maaaring ito ay ang iyong magulang o mga kapatid. Alamin kung ano ang pinaka-importanteng goal na gusto mong makamit. Kasama sa hakbang na ito ay ang pagpapasya kung gaano ka kahandang maghintay para makamit ang iyong layunin at kung magkano ang kaya mong itabi para rito. Kung ikaw ay maraming layunin sa buhay, mabuhay ka! Kailangan mo lamang alamin kung ano ang gusto mong unahing makamit at huwag kakalimutang isama ito sa iyong buwanang badyet. Tandaan na kailangan mong magdesisyon kung ano ang iyong prayoridad sa buhay. Kung gusto mong mag-ipon ng emergency funds, kailangan mong isantabi ang ibang layunin mo sa buhay pansamantala para mas mabilis mong makamit ang iyong gusto.

6. Gumamit ng iba’t-ibang investment vehicle para makamit ang bawat layunin sa buhay.

Kung ang iyong layunin ay short-term (12 hanggang 36 na buwan), maaari mong ilagay ang iyong ipon sa isang savings account sa banko.

Kung ang goal mo naman ay long-term (mas mahaba sa 36 na buwan), maaari mong i-invest ang iyong pera sa mga Mutual Funds o UITF na produkto ng mga bangko. Ang investment vehicle na ito ang magbibigay sa iyo ng mas mataas na return kumpara sa savings account ng mga bangko.

Tip: Pag-aralang mabuti ang isang investment vehicle bago ito pasukin.

7. Padaliin ang pag-iipon o pag iimpok sa pamamagitan ng automatic transfer.

Ang “pagse-setup” ng automatic transfer papunta sa iyong savings account ay isa sa pinakamabilis na paraan ng pag-iimpok. Sa ganitong paraan, mas mapapadali ang iyong pag-iipon at mas makasisigurong hindi ito madaling i-withdraw sa mga ATM maliban na lamang sa oras ng emergency.

Tip: Isipin na isang regular na gastusin ang savings. Maaari mo itong idagdag sa mga kategorya ng iyong badyet.

8. Pagmasdan ang paglago ng iyong ipon

Alamin ang pag-unlad ng iyong pag-iipon buwan-buwan. Sa ganitong paraan, mas madali kang makapag-aadjust sa iyong badyet at ito rin ay makakatulong para makapag-focus ka sa iyong layunin.

Ang mga nabanggit ay ang 8 paraan para makapagsimula nang mag-ipon. Kung sa iyong palagay ay may nakaligtaan akong paraan o hakbang, maaari kang maglagay ng komento sa blog post na ito.