“Paano ba maging financially free?”
Sumagi na ba sa isip mo ang katanungang iyan? Basahin ang mga hakbang patungo sa magandang kinabukasan.
Unang Hakbang:
PHP 10,000 Emergency fund
Ang emergency fund ay ang pondong nakalaan para sa mga pangyayari sa ating buhay na hindi inaasahan.
Halimbawa ng mga emergency:
- Medical expenses
- House repair
- Car repair
Tip: Importante na gamitin natin ang pondong ito para sa mga emergencies lamang. Hindi ito maaaring gamitin kung ikaw ay kinapos sa iyong buwanang budget o para lamang ipambili ng bagong gadgets.
Sa hakbang na ito, kailangan nating maka pag-ipon ng PHP 10,000. Maaari kang kumuha ng part-time na trabaho o magbenta ng mga gamit na hindi na napapakinabangan. Kung nakalikom ka na ng halagang ito, maaari ka nang magbukas ng savings account sa bangko. Sa oras na may emergency na dumating sa iyong buhay, hindi mo na kailangang gamitin ang iyong credit card o mangutang pa sa mga kakilala para sa mga gastusing ito.
Ikalawang Hakbang:
Bayaran ang lahat ng utang maliban sa utang sa bahay
Isulat ang lahat ng iyong mga utang maliban sa utang sa bahay. Ang iyong prayoridad ay ang utang na may pinakamababang balanse.
Ang hakbang na ito ay magbibigay ng pagbabago sa iyong buhay. Gagamitin natin ang debt snowball para bayaran ang iyong mga utang, mula sa utang na may pinakamaliit na balanse hanggang sa utang na may pinakamalaking balanse.
Sa oras na mabayaran mo ang mga utang na may maliit na balanse, ito ay magsisilbing motibasyon para ipagpatuloy ang hakbang na ito. Sa bawat utang na mababayaran, tataas ang iyong cash flow at mas mabilis mong mababayaran ang mga utang na may malaking balanse. ‘Pag natapos mo ang hakbang na ito, ikaw ay magiging DEBT FREE!
Tip: Para sa karagdagang imposrmasyon tungkol sa debt snowball, maaari mong bisitahin ang website na ito. Maari mo ring gamitin ang spreadsheet na ginawa nila.
http://lifehacker.com/download-this-snowball-debt-calculator-and-plan-to-get-1309942724
Ikatlong Hakbang:
6 hanggang 12 buwanang gastusin sa savings account
Ang hakbang na ito ay ang pagpopondo ng emergency fund. Wala ka nang binabayarang utang. Oras na para mag ipon ng 6 hanggang 12 buwanang gastusin na nakalagay sa isang savings account. Alamin kung magkano ang iyong kailangan para mabuhay nang 6 hanggang 12 buwan (Ito ay nakadepende sa iyong kita at gastusin). Simulan ang pag-iipon para maging handa sa oras ng pangangailangan. Kahit na anong mangyari, hinding hindi ka na mababaon sa utang sa oras na magawa mo ang hakbang na ito.
Ikaapat na Hakbang:
Mag-invest ng 15% para sa iyong kinabukasan
Oras na para paghandaan ang iyong kinabukasan. Ngayong wala ka nang iniintinding bayarin para sa utang at may naipon ka nang emergency fund, mag-invest ng 15% ng iyong kita para sa iyong kinabukasan. Maaari kang mag-invest sa mga life insurance, mutual funds, o kahit sa stock market. Marami kang pagpipilian sa bagay na ito. Kailangan mo lamang malaman kung anong klaseng risk ang kaya mong pasukin. Ang porsiyento ng iyong kita na ipinambabayad mo sa iyong utang ay maaari mong gamitin sa paglago ng iyong yaman. Ang hakbang na ito ay ang pagpupundar ng iyong yaman. Sa bawat perang na-iinvest mo sa hakbang na ito ay susi sa iyong pagyaman.
Tip: Importanteng malaman mo kung anong klaseng investment ang iyong papasukin. Huwag magpasilaw sa mga kumpanyang nangangako ng mataas na income kapalit ang iyong investment.
Ikalimang Hakbang:
Pondo para sa edukasyon ng iyong anak
Sa hakbang na ito, nabayaran mo na ang lahat ng iyong utang maliban sa iyong bahay. Nakapagsimula ka na ring mag-invest ng 15% para sa iyong kinabukasan. Oras na para paghandaan ang edukasyon ng iyong mga anak.
Maaari kang magbukas ng hiwalay na account para sa bagay na ito. Maaari kang maghulog buwan-buwan sa isang investment vehicle kagaya ng educational plan na inooffer ng iba’t-ibang investment companies.
Tip: Pag-aralang mabuti ang terms ng isang educational plan.
Ikaanim na Hakbang:
Bayaran ang utang sa bahay ng mas maaga
Sa hakbang na ito, isa na lang ang kailangan nating isipin patungo sa paglago ng ating yaman. ‘Yun ay ang ating mortgage. Napakalaking hakbang ang bagay na ito ngunit natanong mo na ba ang iyong sarili kung anong pakiramdam ng walang bahay na binabayaran?
Bawat oras na nagbabayad ka ng extra sa iyong mortgage ay nangangahulugang nakakatipid ka sa interest na maaari mong gamitin sa ibang mga bagay. Kung ikaw ay mayroong 30-taong mortgage, ano ang masasabi mo sa ideya na mababayaran mo ng buo ang iyong bahay sa loob lamang ng 15 taon?
Kailangan mo ng matinding sakripisyo kung gusto mong magawa ang bagay na ito. Ito ay nangangailangan ng matinding disiplina at determinasyon. Huwag mag-focus sa mga sakripisyong kailangan nating gawin sa hakbang na ito. Mag-focus tayo sa reward na ating matatanggap oras na magawa natin ito.
Tip: Maaari mong kausapin ang pinagkakautangan mo ng iyong bagay para i re-calculate ang terms ng iyong bahay. Kumuha ng iba’t ibang quotation tungkol dito. Pag-aralan kung anong bagong terms ang kaya mong gawin.
Ikapitong Hakbang:
Pagpapayaman at pagtulong sa mga nangangailangan
Ito ang pinakahuling hakbang at kung narating mo na ang hakbang na ito, MABUHAY KA! Oras na para magpayaman at tumulong sa mga nangangailangan.
Ano ang mga bagay na kailangan mong gawin sa hakbang na ito? Ikaw ay nasa posisyon na para gawin ang lahat ng gusto mo, ngunit huwag kalilimutan na mahaba ang iyong nilakbay para marating ang bagay na ito. Maaari mong ibahagi sa iyong pamilya o mga kaibigan ang mga bagay na iyong naranasan patungo sa hakbang na ito.
Maaari ka na ring magpayaman para sa mga susunod na henerasyon ng iyong pamilya.
Ang mga hakbang na ito ay magsisilbing gabay para gumanda ang kinabukasan natin at ng ating pamilya. Ang mga hakbang na ito ay hindi madali. Kailangan itong samahan ng matinding determinasyon upang makamtan ang mga ito.